top of page
Search
Writer's pictureUkiyoto Publishing

Panayam kay JK Cabresos:

Ang Makata sa Likod ng “Tuldukuwit”


isinulat ni Gabrielle Lopez,

batay sa pakikipanayam ni Rickyanna Rodrigues





Lahat naman siguro tayo ay nakaranas na ng pagkatalo. Mapa-heartbreak man dahil may gustong iba ang minamahal natin, o kaya nama’y pagkabigo sa pag-aaral o sa career—bahagi ito ng ating mga buhay.


Pero sino nga ba ang gugustuhing mabigo at masaktan? Wala naman, ‘di ba?


Ngunit sa obra maestro ni JK Cabresos, isang proudly Pinoy na manunulat, mapagtatanto natin ang kahalagahan ng ating mga panghihina…at ng ating muling pagbangon.


Sa “Tuldukuwit”—na isang koleksyon ng mga tula ni JK Cabresos—, muli nating aalalahanin at dadamdamin ang iba’t iba nating mga paghihirap. At sa pamamagitan ng sining na ito, matututo tayo na piliing lumaban at ‘saka piliing magpatawad.




Sa salita nga ng manunulat mismo sa isang tulang nakapaloob sa libro, “sana pagtakipsilim / sa pagpatak / ng mga luha, / muling makalaya.”


Kaya kilalanin natin sa pamamagitan ng isang panayam ang makata sa likod ng mga nakakakirot na tulang siguradong makaka-relate tayo.


Pagpapakilala ni JK, “Hi, I'm JK Cabresos from Philippines. Author of the Tuldukuwit I & II. A Registered Electronics Engineer and an alumnus of MSU-IIT. Pastime ko talaga ang pagsusulat, ito ay nagbibigay sa akin ng state of flow sa mga sitwasyong masyado nang crowded ang aking utak.”


Hindi lamang isang manunulat kundi isa ring inhinyero, talaga nga namang ipinapamalas ni JK Cabresos ang kanyang iba’t ibang kakayahan tulad na lamang sa tulang, “Bakit Nae-Extend Ang Mga Engineering Student?”, na siyang isang “witty” na pagpapakahulugan sa karanasan ng pagmamahal.


Dahil dito, importante ring malaman natin kung kailan nga ba napagtanto ni JK na nais niyang magsulat at kung ano ang kanyang mga hilig na genre, kung mayroon man.




Kailan mo unang napagtanto na gusto mong maging manunulat? (When did you first realize you wanted to be a writer?)


“When I was in first year high school. Nung time na pinagawa kami ng homework na gumawa ng tula.”



Nagsusulat ka ba sa isang partikular na genre? Kung oo, bakit? (Do you write in any particular genre? If so, why?)


“I do write prose and poetry. Dito talaga napa-‘love at first write’ but now nage-explore ako ng other genres din naman.”


Bawat awtor ay paniguradong may inspirasyon para sa kanilang nililikhang mga kwento—ano kaya ang kay JK Cabresos?




Saan mo nakukuha ang mga impormasyon o ideya para sa iyong mga kwento o pagsusulat? (Where do you get your information or ideas for your stories or write-ups?)

“Sometimes I got my ideas while listening to a song, watching movies, or even reading a book.”


Bukod sa may inspirasyon ang kada manunulat, may kanya-kanya ring mga proseso, istilo, oras, at hirap na nararanasan ang mga ito sa paglikha. Kaya naman nang tanungin si JK patungkol sa kanyang pagsusulat, ganito ang naging sagot niya.




Paano mo ipinaplano ang iyong oras habang nagsusulat? (How do you plan out your time while writing?)


“It depends. Sometimes sumasagi na lang sa isip ang ideas kaya sinusulat ko na lang sa notes sa phone ko. Pero if need ko mag-focus on finishing a book, minsan before matulog or madaling-araw, nage-edit ako. Yung tahimik na.”




Ano sa tingin mo ang pinakamahirap na bahagi sa proseso ng pagsusulat mula simula hanggang dulo, kasama ang post-publishing? (What do you think is the most challenging phase in the writing process from start ‘til end, including post-publishing?)


“Consolidating ideas is one of the hardest part. Then pag medyo busy din sa work, natatagalan ang pag-edit and proofread. Also, if may goal ako na word-count.”


Kapag may hirap, may napupulot na aral—at hindi eksepsyon ang karanasan ng pagsusulat pagdating dito.




Ano-ano ang mga pangunahing aral ang napulot mo sa iyong proseso ng pagsusulat? (What were the key learnings during your writing process?)


“Patience. You can't really force your ideas to sink in. You can't force your hands (to) write if your mind don't cooperate. Dapat free-flowing lang yung ideas, hindi yung pinipilit mo.”


Tulad na lamang ng ibang libangan at pampalipas-oras, talagang nakakapagpasaya ang pagsusulat lalo na kung gusto talaga itong gawin ng isang tao. Kaya naman tinanong din namin ang awtor ng “Tuldukuwit” kung ano nga ba ang bahaging pinakanasiyahan siya sa paglilikha ng kanyang libro, at kung ano ang mga hilig niyang gawin sa labas nito.




Ano ang pinaka-nakapagpasayang bahagi sa pagsulat ng librong ito? (What was the most enjoyable part of writing this book?)


“When you're almost done with your book. Yung patapos ka na then ipa-publish na. Nae-enjoy ko rin when times na pinapabasa ko sa gf ko then nakikita ko reaction niya.”



Ano ang hilig mong gawin kapag ikaw ay hindi nagsusulat? (What do you like to do when you're not writing?)


“I play chess and basketball. And also other online games. Pampatanggal ng stress.”


Ngayon naman, mula sa isang manunulat patungo sa iba pa, ito ang payo ni JK Cabresos.





Anong mga suhestiyon o payo ang maibibigay mo sa mga nais maging manunulat? May mga espesipikong parte ba silang dapat pagtuonan ng pansin? (What suggestions would you give to aspiring writers? Any specific areas to focus on?)


“Don't stop believing on yourself. Ikaw ang unang taong maniniwala sa sarili mo at sa kakayahan mo. Don't stop if you're tired, just take a pause, huminga ka lang saglit at ituloy ang pangarap mong maging isang ganap na published author. Padayon lang. Padayon para sa puhon.”


Talaga nga namang idinidiin ni JK Cabresos sa atin na huwag tayong sumuko, kahit ano pa mang pagod ang ating mararanasan—sa pagsusulat man o sa pang-araw-araw na karanasan. At tunay nga na isinasabuhay ni JK Cabresos ang sarili niyang payo, dahil nang tanungin siya kung ano na ang susunod para sa kanya, sagot naman nito na siya ay magpapatuloy lamang sa hilig niya sa pagsusulat.




Ano na ang naghihintay sa iyong kinabukasan? (What lies in wait for your future?)


“I have an upcoming book entitled ‘Humihingi Ako ng Paumanhin Kung sa Araw na Ito ay Masasaktan Kita’. It's a prose and poetry book na may short stories. It's like re-reading, re-imagining, and remembering your painful hours in life. Yes po, mapanakit po talaga ako. Also, kasama rin ako sa ‘Magkasintahan Vol. VII’, title ng short story ko is ‘The Last Love Letter’.”



May mga ibang detalye pa bang nais mong malaman ng iyong mga mambabasa? O kaya mga espesyal na anunsyo na nais mong malaman ng mundo? (Any other details that you would want your readers to know? Any special announcements that you may wish to make and let the world know?)


“I have no other announcements to make but I just want to thank Ukiyoto Publishing for this opportunity. It's been great working with you guys. You made my dream come true. Also, I want to acknowledge my family, my gf, and my ever-supporting readers. You all are my inspiration. Kung wala kayo, wala rin ako. Salamat sa inyong lahat.”


Ang “Tuldukuwit” ni JK Cabresos ay nahahati sa dalawang koleksyong nailathala sa tulong ng Ukiyoto Publishing. Ang mga tulang naparoroon sa mga libro ay patungkol sa iba’t ibang klase ng paghihirap sa buhay—mula sa mga problemang pang-pag-ibig hanggang sa mga panghihinang nararanasan patungkol sa bayan. Ipinaaalala sa atin ng “Tuldukuwit” ang kilalang katangian ng mga Filipino na pagiging “resilient” o matatag sa paraan na kayang kaya bumangon agad at sumubok muli kahit na nakaranas na ng sakit.


Humuhugot ng inspirasyon ang mga tula ni JK Cabresos sa mga simpleng pang-araw-araw na pangyayari—tulad na lamang sa mga mithiin, relasyon, alaala, pamilya, at pag-aaral—na kanyang nagagawang palalimin upang makapagparating ng iba’t ibang klase ng kirot na nakaka-relate sa mga mambabasa.


Sa sariling salita ng manunulat mismo patungkol sa deskripsyon ng kanyang likha, “Ang librong ‘Tuldukuwit’ ay mga koleksyon ng aking mga tula sa mahigit 15 years kong pagsusulat. ‘Tuldukuwit I’ is all about pain and struggles in life. Na kahit ilang beses mang madapa, matuto tayong tumayo at tumingala. While ‘Tuldukuwit II’ is all about forgiveness and healing. Na kahit ilang beses mang lumuha, matuto tayong magpatawad at magpaubaya.”




At mula sa libro mismo—sa tulang, “Masasanay Kang Matalo, Para Sa Atin Itong Mundo”—, naririto ang iilang salitang tatatak sa ating mga isip at magbibigay-inspirasyon upang patuloy tayong lumaban sa buhay.


“Masasanay ka ring matalo

dahil ganito ang konsepto ng mundo.

Patitikman ka muna ng pagkabigo,

bago ka ulit maging buo.”


Kalakip sa “Tuldukuwit” ang mga ‘di kalimot-limot na tula tulad na lamang ng “Makatâkas”, “Hindi Ako Madaling Mahalin”, “3 Stages Ng Kilig At Kirot”, “Usok Pagkatapos Ng Apoy”, at “Umaasang Kay Ganda”.



Maaaring bilhin ang libro rito upang maranasan ang kirot ng pagkabigo—at ang pag-asa ng ‘di pagsuko.



145 views0 comments

Comments


bottom of page