Isinulat ni Yvee Faith Dado
Masakit man ang kritisismo, ngunit ito rin ay para sa iyo.
Ang paglalahad mo ng iyong kwento ay may layong makarating ang mensahe nito sa maraming tao. Ngunit bago pa man ito mangyari, marami munang pagdaraanan ang iyong akda. Hindi ito makatatakas sa kritisismo ng iba. Kapag baguhang manunulat ka pa lamang, maaaring hindi maging madali sa iyo ang pagharap sa kritisismo. Ngunit hindi rin naman nangangahulugang madali nang harapin ng mga batikang manunulat ang kritisismo sa kanilang akda. Sa huli, ang layunin ng pagbibigay kritisismo ay para mas mapabuti pa ang iyong akda. Narito ang limang paraan sa mabisang pagharap sa kritisismo bilang isang manunulat:
1. Makinig.
Hindi katumbas ng pakikinig ang pagsang-ayon. Pakinggan mo lang ang nais sabihin ng iyong kritiko. Makinig nang hindi nag-iisip ng tugon sa iyong isip. Pakinggan at unawain ang pagsusuri ng iyong kritiko at ang posibleng naging sanhi nito.
2. Maglista.
Kapag pasalitang inilahad ang kritisismo sa iyong akda, maaari mong isulat ang mga ito upang hindi mo malimutan. Para sa ibang manunulat, nakatutulong ito upang maibsan ang kaba o pagkabalisa. Kung nasusulat naman ang paraan, mahalaga pa ring isulat ang mga puna sa iyong akda upang tumatak ito sa iyong isipan. Makatutulong ito dahil tanda mo ang mga bahaging kailangan ayusin o baguhin.
3. Magdesisyon kung tatanggapin o hindi.
Hindi ka obligadong tanggapin ang bawat kritisismo. Nasa iyo palagi ang kontrol sa kung ano ang mangyayari sa iyong akda. Suriin din ang mga puna sa iyong akda. Kung sinasang-ayunan mo ito, tanggapin at aksyunan. Kung hindi naman, tanungin ang sarili kung nagiging depensibo ka lang o talagang hindi ka lang talaga sumasang-ayon mula sa pananaw ng isang manunulat.
4. Huwag personalin.
Halos imposible itong gawin, lalo kung baguhang manunulat ka pa lamang, ngunit ito ay napakahalaga. Paalalahanan ang sariling ang kritisismo ay pagpuna sa iyong pagsusulat, hindi sa halaga mo bilang isang tao. At ang pangunahing intensyon ng iyong kritiko ay tulungan ka upang mas mapaayos ang iyong akda—alisin ang ilang bahaging alanganin at palitan ng mas wasto at epektibo.
5. Magsulat muli.
Ngayong tinanggap at tinanggihan mo na ang nakuha mong kritisismo, oras na para gamitin ang mga ito upang mas mapabuti ang iyong akda. Hindi lamang ito para sa iyong akda ngunit para sa iyo rin mismo, sa mas ikabubuti mo pa bilang isang manunulat. Harapin ang iyong akda nang may panibong pananaw at rebisahin ang dapat rebisahin.
Tunay na hindi madaling tumanggap ng pagpuna mula sa iba. Kung isa kang manunulat, maaaring malaki ang maging epekto nito sa iyong kumpiyansa sa sarili maging sa iyong proseso ng pagsulat. Ngunit dapat mong tandaang ang layunin ng pagbibigay ng kritisismo ay para mas maging maayos ang iyong akda. Masakit man ang kritisismo, ngunit ito rin ay para sa iyo.
Bisitahin ang link na ito para sa iba pang tips sa mabisang pagharap sa kritisismo.
コメント