top of page
Search
Writer's pictureUkiyoto Publishing

5 Pinagkakaabalahan ng Mga Manunulat Kapag Hindi Nagsusulat

Isinulat ni Yvee Faith Dado




Huminga at magpahinga.

Bilang manunulat, maraming oras sa ating buhay ang iginugugol sa walang humpay na pagsulat. Lalo na kung pagsulat ang propesyon mo, hindi ka na halos maalis sa harap ng iyong computer o mahiwalay sa iyong kwaderno. Kaya’t minsan, dapat tayong mapaalalahanang ang buhay natin ay hindi lamang sa pagsulat umiikot. Paminsan-minsan, kailangan nating huminga at magpahinga mula sa ating pagsusulat. Kailangan nating isantabi muna sandali ang pagharap sa computer o kwaderno at paglaanan ng oras ang iba pang mahahalagang bagay. Iba-iba ang kaso sa bawat manunulat dahil iba-iba tayong indibidwal, iba-iba ang ating mga buhay. Ngunit narito ang limang pinakakaraniwang ginagawa ng mga manunulat kapag hindi nagsusulat:


1. Pagbabasa.

Kaakibat ng pagsusulat ang pagbabasa. Kaya’t hindi ito basta-basta maaalis sa sistema ng isang manunulat. Ang iba ay nagbabasa upang patuloy na makakuha ng inspirasyon. Ang iba ay nagbabasa upang matuto o mapagbuti pa ang mga kasanayan. At syempre, mayroon ding mga binabalikan ang kanilang mga reading list at nagbabasa ng mga bagong tuklas na aklat o babasahin muli ang mga paboritong akda. Panandalian muna nilang iiwan ang responsibilidad ng paghahatid ng kwento bilang manunulat at sa pagkakataong ito, sila naman ang uupo at nanamnam sa kwento bilang mambabasa.


2. Pagpapahinga o pagtulog.

Dahil sa maraming oras ng pagsusulat, kasama na rin ang iba pang mga ginagawa, kapag nabigyan ng pagkakataon ang isang manunulat sa mahabang pahinga, siguradong walang pag-aatubili niya itong tatanggapin. Bigyang-halaga ang pagpapahinga kung gaano binibigyang-halaga ang paggawa ng mga gawain. Kung hindi ka makapagbabawi ng lakas, paano ka makapagbubuhos nito sa iyong paggawa? Huwag abusuhin at pilitin ang iyong katawan. Huwag pagkaitan ang sarili ng pahinga dahil kailangan mo ito.


3. Panonood ng mga pelikula o series.

Para sa ilan, kasama sa pagpapahinga ang panonood ng mga pelikula o series. Kapag nabigyan ng oras para dito, ang iba ay nagbi-binge watch ng mga paboritong pelikula o series o kaya nama’y babawasan nang pailan-ilan ang mga nakalista sa kanya-kanyang watchlist. Kasama na rin dito ang panonood ng videos sa YouTube o sa iba pang platform sa Internet. Lalo sa panahon ngayon, kaliwa’t kanan ang content na maaaring panoorin, hindi ka mauubusan.


4. Pagkaabalahan ang mga kinagigiliwang libangan.

Bawat indibidwal ay may kanya-kanyang interes o kinagigiliwang libangan. Sa labas ng pagsusulat, marami pa tayong bagay na pinagkakainteresan. Ilan sa mga ito ay may kaugnayan sa talento tulad ng pagkanta, pagsulat ng kanta, o pagsayaw. Ang mga may husay naman sa larangan ng sining ay maaaring maglaan ng oras sa pagguhit o pagpinta. Ang iba naman ay mahilig sa pangongolekta ng samu’t saring bagay. Kahit anong magbibigay ng tuwa o aliw sa bawat isa.


5. Paglalaan ng oras para sa pamilya o mga kaibigan.

Tulad ng ibang gawain, mahalagang magpahinga mula sa pagsusulat at bigyan ng oras ang ating mga pamilya at kaibigan. Matapos ang mahabang linggo ng pagtatrabaho, iba ang nabibigay na ginhawa ng quality time kasama ang mga taong malalapit sa ating puso. Kahit sa sabay na pagkain sa hapag na may kwentuhan kasama ang pamilya o pangungumusta sa mga kaibigan sa pamamagitan ng video call. Lalo sa panahon ngayon, importanteng mayroon tayong support system upang mapaalalahanan tayong mayroon tayong masasandalan sa mga mahihirap na pagkakataon.


Huminga at magpahinga. Huwag pagkaitan ang sarili ng oras sa labas ng iyong pagsusulat. Hindi ka lang manunulat—isa kang manunulat at iba pa.

Nag-aalalang baka dalawin ng writer’s block? Narito ang ilang tips upang harapin ito.


20 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page